Short Stories

 


 

 SA SUSUNOD NA TAKIPSILIM
By Laidel B. Hizola
Photography By Pinterest
 
Apat na oras na byahe. Apat na oras ang kailangan kong gugululin sa pagmamaneho para mapuntahan ka. Hindi naman ako nagrereklamo. Kung pwede at kaya ko nga lang puntahan ka araw-araw, nagawa ko na.
Bumaba ako ng sasakyan ko dala dala ang mga paborito mo. Pati na rin ang mga gamit na kailangan ko sa pagpipinta. Magpipinta ulit tayo.
Kada taon na natin 'tong ginagawa. Pero hindi pa rin nawawala saakin ang excitement tuwing sasapit ang araw na 'to. Dahil makikita na ulit kita. Same place, same date, same time.
Hindi na ako nagsayang ng oras at tinahak na agad ang daan papunta sa tuktok ng talampas. Sa paborito mong lugar. Ang pinakapayapang lugar para sayo. Ang lugar para makatakas tayo sa gulo ng mundo.
Halos isang oras ko ding inakyat at tiniis ang baku-bakong daan. Napapikit nalang ako ng madama ang pagdampi ng malamig na hangin sa balat ko pagkadating ko doon. Hindi na ko nagulat nang biglang maramdaman ang yakap mo. Napangiti naman ako.
"Ang tagal mo naman, kanina pa ko dito", sambit mo sa tonong may halong pagtatampo.
"Sorry na. Medyo natraffic kasi ako e. Pero atleast, nakarating na ko", sagot ko na may malapad na ngiti sa labi. Niyakap mo ulit ako bago hilahin sa paborito nating spot sa talampas.
Tanaw na tanaw ang abalang syudad. Kabaligtaran sa paligid na meron tayo ngayon. Napakatahimik. Tanging tunog lang ng kuliglig at ang ating paghinga ang maririnig.
Tiningnan ko ang oras sa relo ko. 5:20. Hinanda ko na ang mga gagamitin natin sa pagpinta. Inabot ko na ito sayo para masimulan mo na.
"Start na tayo", sabi ko. Sinimulan mo na ang pagpinta ng itsura ng talampas kung saan tayo naroon. Ikaw palagi ang gumagawa noon dahil sabi mo, hindi ka marunong maghalo halo ng kulay para magaya ang kulay ng takipsilim.
5:40. Natapos mo na. Sabay tayong napatingin sa langit at tiningnan ang nagsisimulang paglubog ng araw.
"Ang bilis naman ng oras, parang ayoko pa tapusin yung painting", malungkot kong sabi. Ang bigat sa pakiramdam. Parang ayoko pang tapusin. Parang ayoko pang umuwi.
"Kelangan mong tapusin kung ayaw mong hindi na ko bumalik dito sa isang taon", pagalit mong tugon.
"Ang bilis naman kasi, hindi ba pwedeng pa extend? Lord pa extend naman po", sabi ko at tumingin sa langit, pabulong na humihiling na sana'y pabagalin ang oras.
"Magkikita naman ulit tayo sa kabilang taon", sagot mo at ngumiti.
Wala naman akong choice. Kinuha ko na ang mga kulay na kelangan kong gamitin, tumingin sa langit at nagsimulang magpinta. Madali ko lang natapos ang pagkukulay at pagpipinta. Lumingon ako sayo at naabutan kitang nakatingin mismo saakin, malapad ang ngiti. Ang sarap pagmasdan ng napaka amo mong mukha. Kitang kita sa ngiti mo kung gaano ka kasaya.
"Tapos ko na", sambit ko at itinaas ang painting para magtugma sa sunset na nasa harapan natin.
Ramdam ko ang pagdantay ng ulo mo sa balikat ko. Kasabay ng malalim na pagbuntong hininga.
"Salamat sa pagbisita, mahal. Pasensya ka na ha, ikaw pa kelangan bumisita. Sa susunod ulit na takipsilim?", sambit mo.
Naramdaman ang pagdampi ng labi mo sa pisngi ko. Unti-unti itong napalitan ng malamig na hangin. Na para bang muli mo kong niyayakap. 6:00. Wala ka na. Binawi ka na ulit sakin.
Isang malalim na buntong hininga ang inilibas ko kasabay ng pagpatak ng mainit na luha sa pisngi ko kung saan mo ko hinalikan.
"Oo, mahal. Sa susunod na takipsilim", sambit ko sabay punas sa luhang patuloy na pumapatak.

Comments

Popular posts from this blog

KLL ranks 3rd Top Performing School for February 2024 CLE

KLL ROTC claws 4th overall at Air Force Luzon

KLL ROTC Unit holds Graduation Ceremony and Change of Command