Essays

 

HIRAYA MANAWARI
 
By Jamelle H. Manguiat
 
Photography By Mattress Advisor
 
Sa aking balintataw, ako ay lumilipad. Tama kaya ang winiwika nila na hanggang lupa lamang ako? Marahil ikaw din. Oo, ikaw. Ikaw na mambabasa ko ay may pagkatakot sa pag-angat ng iyong mga paa patungo sa landas na iyong nais matahak. Isa, dalawa, tatlo. Ang ganda ng landas na iyon. Maaliwalas sana, dangan nga lamang at hindi ko mapuntahan. Sa aking murang isipan namuo ang pangarap na sa loob ko’y sumisigaw. Tinig na wari’y nangungusap. Ipu-push ko pa ba, beh? Kaya ko pa ba ang pangarap na animo’y may sariling buhay. Ang hangarin na sa aking puso ay kumakatok at sa bawat pagmulat ng aking mga mata’y may umaalab na gunita. Kagaya ng aking lumang bisekleta pala. Hindi susulong kung hindi ko ipepedal. Makalawang man ang kadena, tumatakbo pa rin. Kahit sa isipan nila’y tumatawa sila o hayag man ang kanilang pang-aalipusta, hindi na bale.

Sabi ng iba, libre naman daw ang mangarap. Subalit, paano kung ang mga salita ni Aling Marites ay siyang pumipigil sa akin at nagdudulot ng siphayo sa tuwing sasagi sa aking isipan ang mga bagay na nais kong abutin. Bakit tila hindi determinasyon at pagpupursigi ang kailangan para sa pagsibad? Na tila ba’y nagugulumihanan ang aking wari na sa bawat boses at salitang maririnig mula sa labas ng mataas na bakod ay mga bagay na wawasak sa aking pagkatao at kumpiyansang matupad ang lahat ng nais liparin. Ngunit isang panaginip ang muling gumising sa bumabagabag kong damdamin, mga taong may buhay na sa loob ay nakangiting nangungusap. Kayanin mo kaibigan! Malapit ka na!

Naalala ko nakayupyop ako sa sulok ng silid aralan nang mapansin ako ng aking guro sa historya na tila ba’y nagtataka kung ano ang dumaraan sa aking isipan. Hindi nya siguradong nalalaman na nakatitig lamang ako sa playground habang sinisilayan din kung paanong ang mga puno sa labas ay sumasabay sa ihip ng hangin. Hindi ko yata kaya iyon. Ang may magdikta sa akin kung saan at paano ako gagalaw. Ang may tinitingala para sabihan ka na, “Sige. pwede ka nang sumayaw.” Ferdinand Marcos ka, beh? Gosh! Dapat daw pala ay attainable ang pangarap. Pero hindi ko din batid ang basehan para sabihin na, “Hindi mo maabot yan. Tama na.”

Inspirasyon na din kadalasan ang nagpapaigi sa bawat hakbang datapwat nakakabaliw isipin kung wala ang isang tao ng isang bagay na iyon. Wala kang pangarap kung walang inspirasyon na magpatangay sa bugso ng iyong damdamin sa pagmithi at pagbigkas ng, “Sana matupad.” Kung hakbang at hakbang lamang ang pag-tatalunan, ay aba at aba naman sa bawat pawis, buntung-hinihinga na ibinubuga ay masasabi kong walang pag-iibayo ang paglago. Hindi man nasanay sa pagsusunog ng kilay, puno ng dunong naman ang buhay sa pamamagitan ng karanasan sapagkat tunay na ang tunay na pagkatuto ay sa karanasan nagmumula. Minsan, isang araw, isang gabi, kagaya sa awitin, nanalig ako na maabot ang ulap. Ninais na sana‘y masisid din ang lalim ng dagat kung saan malayang makikita ang iba’t-ibang nilikha. Maraming beses sa aking buhay akong nabigo sa sarili gayunpaman, triple ng makailang beses na iyon, ako ay sumulong. At sa mga araw na walang pangamba, iwawaksi na ang mga salitang naririnig na walang patutunguhan hanggang sa wala nang matira kundi mga positibo. Bukas, sa aking tuluyang pagsibad, Hiraya Manawari.


Comments

Popular posts from this blog

KLL ranks 3rd Top Performing School for February 2024 CLE

KLL ROTC claws 4th overall at Air Force Luzon

KLL ROTC Unit holds Graduation Ceremony and Change of Command